Aquino: Wag sinungaling tungkol kay Marcos

NAGPAHAYAG si dating­ Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na diumano’y pambobola nina dating Senador Juan Ponce Enrile at Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, na walang naganap na masaker at mga pag-aresto noong panahon ng Martial Law.

Ani Aquino, hindi maitatago ang katotohanan sa mga naganap noong Martial Law sa buong Pilipinas lalo pa at mayroong batas na Human Rights Compensation bill para sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao.

Ito ay sinabi ni Aquino sa isang interview matapos dumalo sa isang misa para sa ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni da­ting Pangulong Ferdinand Marcos.

“Merong batas na Human Rights Compensation bill na binabayad doon sa lahat ng mga biktima ng human rights abuses noong panahon ng batas militar,” ayon kay Aquino kabaligtaran sa mga sinabi ni Enrile.

Inihayag ni Enrile kay Bongbong Marcos na ipinost ng huli sa kanyang social media account na walang inaresto noon dahil lamang sa pagbatikos kay Marcos at wala ring naganap na masaker at hindi katulad ng nangyari sa Mendiola noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

“May edad na si Senator Enrile pero hindi naman siguro pwedeng gawing parang dahilan ‘yun para maniwala tayo sa gusto nyang pagbabago ng katotohanan. Pwede nating unawain pero pasensya na, ang totoo ay totoo, ang pambobola ay pambobola pa rin,” ayon kay Aquino.

Si Enrile ang defense minister ni dating Pangulong Marcos noong idineklara ang Martial Law.