Hindi pa rin ligtas si Sen. Antonio Trillanes IV sa posibilidad na mapaharap sa general court martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa ulat ng DWIZ, maingat na pinag-aaralan ngayon ng hanay ng AFP ang kaso ni Trillanes sa court martial habang nakabinbin pa sa civilian court ang iba pang kaso nito.
Ayon sa source, may kapangyarihan pa rin ang military court na iparesto ang senador kahit pa wala na ito sa tungkulin bilang navy officer ngayong ipinawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iginawad na amnesty sa kanya.
Gagamitin din umanong jurisprudence o batayan ng AFP ang kaso ni retired Brig. Gen. Francisco Gudani na isinalang pa rin sa court martial noong 2006 matapos suwayin ang utos ni noo’y AFP chief of staff Gen. Generoso Senga.
Magugunitang pinagbawalan ni Senga si Gudani na humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay ng ‘Hello Garci Scandal’ kahit pa nagretiro na ito sa tungkulin.