Viral Grade 2 test paper: Dismayado ang PNP! DepEd, mag-iimbestiga


Dismayado ang Philippine National Police at si  PNP Chief Director General Oscar Albayalde  sa viral post ng isang magulang sa social media ng litrato ng mga test paper ng kanyang Grade 2 student na anak na gumagamit ng mga salitang hindi akma at hindi dapat ginagamit para tukuyin ang pulisya sa negatibong paraan.

Ito ay ang mga salitang “abusado ang mga pulis” at “malalaki ang tiyan ng mga pulis” na makikita sa test paper tungkol sa leksyon ng ‘pang-uri’ o salitang naglalarawan.
No automatic alt text available.
Nagpahayag si PNP Chief Director General Oscar Albayalde nang mabasa ang naturang test paper dahil hindi maganda ang pag lalarawan sa mga kapulisan.

“Huwag nating lasunin ang pagiisip ng mga kabataan. Tayong mga guro are considered the second parents of our children so let’s teach them of what is right and what is good for the nation, not what is good for your university, for your school,” paalala ni Albayalde sa mga guro sa bansa.
Dagdag pa ni Albayalde, handa silang tumulong pamunuan ng eskwelahan sakaling gusto nilang magsampa ng kaso laban sa gurong gumawa nito, “pwede lang magfile ng kaso, but the school can outright terminate that faculty member if this is the way para matuto rin ang [ibang] teachers.”

Samantala, iniimbestigahan na ng Department of Education ang kaso at bineberipika na kung anong school ang pinanggalingan ng nag-viral na test paper.

Sa panayam kay DepEd Secretary Leonor Briones sa radyo, sinabi nitong bibigyan nila ng pagkakataon ang eskuwelahan na magbigay ng kanilang paliwanag kaugnay sa naturang isyu.

Sa post ng netizen na si Verna Escolano, bukod sa mga negatibong salitang naglalarawan sa mga pulis, gumamit din ng mga pangungusap na hindi angkop sa mga bata gaya ng “pulang-pula ang dugo na nagkalat sa sahig”.