Presidente, kulang lang sa powder Joma
Date - August 20, 2018
MalacaƱang, pinabulaanan ang ulat na comatose si Pangulong Rodrigo Duterte matapos dumalo sa pagtitipon ng kanilang brotherhood fraternity na Lex Talionis last Saturday.
Kasunod ito ng isang post sa Facebook ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na base sa natanggap niyang ulat na nangingitim umano ang mukha ng Presidente, unstable ang lakad at panginginig ng kamay nang dumalo sa okasyon at nasabi umano na comatose ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malusog ang Pangulo at masigla ng dumalo sa pagtitipon ng Lex Talionis at to ay huli niyang nakita sa Davao City noong Biyernes.
Biro pa nito, kulang lang daw sa powder ang Pangulo kaya’t nagmukhang maitim ito sa larawan.
“He’s healthy. There was a rumor that he fell ill during his Lex Talliones affair. I talked to former secretary Vit Aguirre who was in the affair, he was fine, stayed there at 12, he was in very high spirits, he enjoyed the company of his brods and I saw him last Friday,”ani Roque.
Bilang patunay na gawa-gawa lang ang kuwento ni Sison, makikita aniya ng publiko ang Presidente sa pagdalo nito sa isang convention sa Cebu City.
“He’s fine and you will see him again tomorrow in the league of cities convention in Cebu City,” dagdag ni Roque.
Binatikos din ng Palasyo ang pagpuna ni Sison sa pangingitim umano ng mukha ng Presidente na indikasyong mayroon itong malubhang sakit.
Sinabi ni Roque na si Joma Sison ay hindi doktor kundi isang laos na rebolusyonaryo kaya hindi dapat na pakinggan ito.
“Well Joma Sison is a spent revolutionary, not a doctor. Let’s not listen to him as far as medical condition is concerned,” dagdag na pahayag ni Roque.
Sinabi naman ni Presidential Assistant to the President Bong Go na nagpapahinga lang ang Pangulo at nagkausap pa sila noong Lunes nang madaling-araw.
Ayon sa kanang kamay ng Pangulo, nananaginip lamang si Sison sa pahayag nitong comatose ang Presidente.
Baka aniya si Sison ang nasa coma at angkop ito sa kanya, palitan lang ang “J” sa pangalan nito ng “C” para maging coma, biro nito.