Opposition, walang nakapasok sa survey!

Hindi na umano ikinabigla ni Vice President Leni Robredo kung walang opposition senatoriable ang pumasok sa ginawang mga survey.

Ayon pa kay Robredo, ina­asahan na ang ganoong pangyayari dahil sa isang midterm election madalas na nakadepende sa popularidad Pangulo ang isang halalan.

“Medyo expected siya. Expected siya dahil popular iyong ating Pangulo. Midterm elections ito; kapag midterm elections, iyong popularity ng Pangulo para­ting factor,” ani Robredo.
Paliwanag naman niya, na sa kanilang partido partikular pagda­ting sa pagpili, hindi dahil winnable ito at sa halip pipiliin nila ang karapat-dapat.

“Ayaw natin pumili na dahil winnable lang, kahit hindi naman karapat-dapat, ikakandidato natin kasi winnable. Iyong sa atin, gusto nating magbigay ng alternatibo, na magbibigay tayo ng contrast doon sa mga ino-offer na iba, na iyong ino-offer natin, kahit hindi masyadong mga kilala, mahaba iyong karanasan at mahaba iyong kasaysayan ng paninilbihan,” paliwanag ni Robredo.

Tiniyak ni Robredo, na lahat ng kandidatong dadalhin ng partido ay hindi basta-basta at pawang mabibigat na personalidad na su­bok at mahaba na rin ang panunungkulan sa pamahalaan.