Posibleng pagtama ng magnitude 8 na lindol, binabantayan ng PHIVOLCS


Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), kasalukuyan nilang binabantayan ngayon ang posibleng pagtama ng magnitude 8 na lindol matapos ang
magnitude-5.5 na lindol sa General Luna, Surigao Del Norte nitong Biyernes.

Saad ni Phivolcs Director Renato Solidum, mayroon umanong earthquake swarm, ito ay sunod-sunod na paglindol kung saan may dalawang bagay na maaaring mangyari.

“Kasi ‘pag mga ganyang kumpol-kumpol na lindol, although may 5.5, marami mga magnitude 5 or 4, parang tinatawag naming earthquake swarm ‘yan at dalawa ang possible diyan eh, unang-una, ganyan lang yan na earthquake swarm—nangyari ‘yan diyan sa ibang bahagi ng Philippine trench, off shore din ng Surigao del Norte, nung early this year, nagkaroon ng magnitude 6-something diyan sa katapusan ng activity—or minsan ay ganyan lang, ganyan lang kaliit,” saad ni Solidum sa kanyang interview.

“Pero hindi natin inaalis na, kasi ang mga scenario natin diyan mga magnitude 8, na kung ganyan ang mangyayari na malakas eh yung tsunami naman ang ating babantayan,” dagdag niya.

“Ang isa naming tinitignan ay kung nagdi-decrease ba yung bilang at pahina na, usually wala nang malaki diyan. Pero hindi natin masasabi na ganun talaga at kailangang bantayan,” saad niya.

“So far sa history ng ating pagbabantay in the past several years, maraming swarm diyan parati, wala namang malaking nangyari, pero hindi talaga natin pwedeng tanggalin yung ganung scenario at kailangan pa rin bantayan.”

“Although di natin masasabi kung talagang ito’y dederetso sa ganun, sana hindi, ang kadalasan ay tumitigil lang na ganyan lang pero we don’t know so we have to be prepared always,” saad ni Solidum.

“Ang binabantayan po namin kung may pattern, mahirap magsabi na may pattern sa ngayon, ang pattern po na dumadami at lumalakas, may ibig sabihin ‘yon baka tumuloy sa malaki, eh wala pa kaming nakikita na pattern; pero kahit wala pong pattern, minsan sumusulpot yung malaki,” dagdag pa niya.